Unang araw ng klase sa kolehiyong aking pinapasukan. Nasa 3rd year na ko sa unibersidad na pinapasukan ko kung saan kumukuha ako ng nursing. Nakita ko na naman ang mga dati kong classmates, palapit na ko kila Luis, Jenny, Shirley, Vicky, Andrea at Dindo. Napansin ko, teka.. bakit may bagong mukha ata sa barkada? Napag-alaman ko na siya pala si Jerwin isang transferee galing Manila at pinsan siya ni Jenny. Malalapit kaming magbabarkada sa isa’t-isa kaya di naman nakakapagtaka na madaling nakapag-adjust si Jerwin sa barkada. Madalas nagtutuksuhan ang bawat isa-isa na ipinapares ang mga lalake sa mga babae. Sa mga pagkakataong ganun, napapatingin ako kay Jerwin at sa loob loob ko, sana kami din. Oo, nung una ko pa lang nakita si Jerwin, nagkaroon na ko ng interes sa kanya. Nadagdagan pa ito ng tumagal tagal na namin siyang nakakasama. Bagamat lumaki siya sa Manila, napakamaginoo niya. Napakamaasikaso sa lahat kahit sa mga lalake. Madalas nakakapagsolo kami kung tinuturuan ko siya sa math subject namin. Kung puwede nga lang sana na ako na ang ipareha sa kanya, eh di sana okay na. Ang hayag ang pagkagusto sa kanya ay si Vicky. Hindi ko alam kung bakit, pero sa twing tinutukso siya kay Vicky, napapatingin siya sa akin na parang may ibig sabihin.
Isang araw, sabi niya sa akin, kung puwede ko raw ba siyang turuan sa Sabado sa kanilang bahay. Magkahalong tuwa at kaba ang naramdaman ko. Tuwa kasi masosolo ko siya, kaba kasi baka malaman niya ang aking lihim na pagkagusto sa kanya.
Dumating ang Sabado, unang beses ko itong pagpunta sa kanila. Nakakakaba. Dun, pinakilala niya ako sa parents niya na umalis din para pumunta sa kani-kanilang trabaho.
Habang nasa likod bahay kami, at tinuturuan ko siya sa subject namin, bigla niyang tinanong kung sino ba ang nagugustuhan niya sa barkada namin. Nagulat ako, kasi out of nowhere, itatanong niya yun. Sabi ko wala. Ngumiti lang siya. Nakakakaba naman.
Tapos na ang pagtuturo ko sa kanya at naghanda siya ng meryenda, sa tabi ko pa rin siya umupo kahit na may upuan naman sa harap namin. Hanggang sa nakuwento niya ang last girlfriend niya na ex na niya ngayon. Niloko daw siya at pinagpalit sa barkada niya. Yun ang dahilan kaya siya bumalik at minabuti nang mag-aral dito sa probinsiya. Iisa lang daw kasi ang pinapasukan nilang unibersidad at magkaklase pa sila ng ex niya at ng tropa niya. Naging emotional siya sa pagkukwento, napaluha, medyo nanginginig pa ko ng idikit ko ang palad ko sa likuran niya para aluhin. Napayakap siya sakin, nakadama ako ng sobrang tuwa. Maya-maya, itinaas niya ang ulo niya sakin, para siyang bata na nawalan ng pinakamamahal na laruan. Di ko na napigilan ang sarili ko, iginupo ako ng aking kahinaan. Pinagtaksilan ako ng aking nararamdaman at hinalikan ko ang mga labi niya. Nabigla siya, nabigla din ako. Bigla akong tumayo, tumalikod at lumakad palayo. Nasa may pasilyo na ko sa gilid ng bahay nila ng naabutan niya ko, hinawakan niya ko sa kamay at hinarap sa kanya. Sa mga mata at ngiti ni Jerwin, nakita ko, alam na niya na mahal ko siya. At ngayon, siya naman ang masuyong humalik sa akin. Matagal at maalab.
Naging sikreto ang aming relasyon, dahil na rin sa ayaw naming maging tampulan ng tuksuhan. Dalawang taon mahigit ang lumipas, nakagraduate na kami at nakapasa kaming lahat sa aming board exam at dalawang taon na din kaming ni Jerwin. Okay naman sakin na di alm ng barkada ang relasyon namin ni Jerwin. Iniisip din namin si Vicky at lalo na kami. Pag kaming dalawa naman ang magkasama, walang patid naman ang kasiyahan at pagmamahalan, at kontento na kami dun. Dahil pareho kaming pasado, nagbalak kaming mag-abroad at doon magsama at magpakasal. Sa kasamaang palad, di ako pumasa sa embassy. Siya, oo. Pero minabuti niyang manatili dito sa Pilipinas para sa akin. Napakalaking desisyon yun para sa kanya, kaya kahit alam kong hindi ako ang nararapat niyang maging kapareha sa buhay, naging confident ako na mahal na mahal nga niya ko.
Nakapagtrabaho siya sa Makati Medical Center at ako naman ay sa isa ding kilalang ospital sa Maynila. May sarili akong apartment na dalawang kanto lang ang layo sa work place ko at siya naman ay tumira muna sa condo ng kapatid niya kasi mas malapit sa work niya. Wala na rin naman ang kapatid niya kasi may two-year contract sa ibang bansa. Everyweek ay umuwi siya sa apartment ko o ako ay pumupunta sa condo. Di rin ako puwedeng tumira sa condo kasi mapapalayo ako sa work at ganun din naman siya pag titira siya sa apartment ko.
Naging busy kami pareho na yung every week na pagkikita ay naging every month na lang. Madami na din kaming mga lakad at plano na hindi natutuloy. Hindi na rin siya masiyadong nakakapagtext sa akin.
Lahat iyon pinalampas ko naman. Mahal ako ni Jerwin, sabi ko.
Mag-aapat na taon na kami. Naghanda ako ng surpresa para sa kanya. At para na din makabawi kami sa isa’t-isa, kasi halos di na kami nagkikita at madalang pa ang mga text o tawag mula sa kanya.
After ng duty ko, dumiretso ako ng condo niya dala-dala ang cake na may nakalagay na “I love You, You are my Life.” Ayoko namang ilagay ang mga pangalan namin kasi nahihiya ako sa bakeshop na pag-aari din ng Landlady ko. At may dala din akong palabok na pinaluto ko pa talaga dahil yun ang paborito niya.
Nagdoorbell ako ng dalawang beses sa labas ng unit niya. Bagamat may susi ako, nakapinid naman ang inside locks ng pinto na dati naman ay di niya ginagawa.
Bumukas ang pinto at iniluwa ang half-naked na si Jerwin na nakabalot lang ng tuwalya ang pang-ibaba niyang katawan. Para siyang nagulat na nandun ako.
“Happy Anniversary Love!” sabi ko na pinipilit ko pa ring ignorahin ang magkahalong pagkabalisa at pagkagulat sa mukha niya.
“Yan na ba yung pinadeliver mo Jerwin?” may nagsalita at sumigaw mula sa loob na kung di ako nagkamali ay galing banyo.
Di ako maaaring magkamali. Boses babae yun. At kilala ko ang boses na yun.
Bahagyang sumilip ako mula sa nakaawang na pinto, wala sa sala, malamang nga nasa banyo at tumingin sa mukha ni Jerwin, sa mga mata ko, nakita niya ang pagkagulo at mga katanungang humihingi ng kasagutan.
“Jerwin???”,mula ulit sa babae.
“Sandali lang, babayaran ko lang to!” pasigaw na sagot ni Jerwin.
Nangilid na ang luha ko sa mata.
“Magpapaliwanag ako, kailangan mong malaman kung bakit ko nagawa to.” Mga pangungusap niya na may halong pagsusumamo. “mahal kita, pero...”
“tama na jerwin. Wag mo ng dagdagan ang sakit. Alam ko naman na kung bakit” pakiusap ko habang tulo ang aking luha. “Eto, ibigay mo to sa kanya. Sabihin mo pinagawa mo to para sa kanya. Mag-ingat kayo at sana maging masaya kayo ni Vicky” sabay abot ko sa kanya ng mga dala ko.
“Pupuntahan kita sa apartment mo mamayang gabi”
“hindi na, pagkaalis ko dito, mag-eempake na din ako at lilipat pakiusap ko, wag mo ng balakin na hanapin ako.”
Nagsalita siya ng may pagsusumamo... “Mark...”
Tumalikod na ko at di ko na siya binigyan ng pagkakataong makapagsalita pa.
Nasa elevator na ko at dun na kumawala ang sunod-sunod na mga luha na kanina pa gustong sumambulat.
At sa isip ko nasabi ko na lang.
“Alam ko dati na hahantong tayo sa ganito. Naging handa ako, pero masakit pa rin pala. Ang sakit sakit. Salamat Jerwin. Dahil sayo naramdaman ko kung panu maging isang babae. Ngunit naiintindihan ko na sa buhay mo, kailangan mo ng isang tunay na babae.”
**FICTION**